Si Josephine pagkalipas ng kamatayan ni Pepe
Sa kasaysayan, si Josephine Bracken ang huling pag-ibig ni Rizal, ngunit ano nga bang nangyari sa kanya ng mamatay ang kanyang minamahal? Ano nga bang naramdaman niya? Siya ba ay nalungkot o nakaramdam ng tuwa dahil sa ginawang sakripisyo nito? At si Rizal ba ay mananatili sa puso at isipan niya hanggang sa huling saglit ng kanyang buhay?
Rizal's final farewell to Josephine (Rizal Monument, Manila) |
Nang mabaril si Rizal sa Bagumbayan noong ika-30 ng Disyembre, 1896, sumama si Josephine kay Paciano na kapatid ni Rizal sa himagsikan sa Cavite. Gusto ba niyang maghiganti sa pagkamatay ni Rizal? Sinasabing siya ay inihalintulad kay Joan of Arc dahil sa kaniyang pakikipaglaban sa Espanyol at nabalitaan na siya ay nakabaril ng isang Espanyol sa gitna ng kanilang labanan. Siya ay inihambing din kay Florence Nightingale, na nanggamot ng mga sundalo noong Crimean war habang si Josephine naman ay nanggamot ng mga may sakit at mga sugatang Katipunero. Naging tagaawat din siya ng mga nagbabangayan sa Tejeros Convention. Gamit ang kanyang duguang mga paa naglakad siya simula Maragondon hanggang Laguna hanggang makarating siya sa daungan papuntang Maynila.
Pagkatapos ng himagsikan na naganap, nakaalitan niya ang pamilya ni Rizal dahil gusto niyang makihati sa mga aklat ni Rizal ngunit wala siyang maipakitang pruweba na talagang kinasal sila ng umaga, kundi ang nakasulat sa regalo ni Rizal sa kanya, “To my dear and unhappy wife, Josephine”.
Nang nakabalik si Josephine sa Hongkong noong Disyembre 1898, dalawang taon makalipas ang pagkamatay ni Rizal, ay nakilala niya si Vicente Abad hanggang sa bumalik sila ng Cebu noong Disyembre 1899 at nagkaroon ng negosyo sa mga bisikleta. Sinasabing ang dating pangulo na si Sergio Osmena ay unang natuto ng bisikleta sa tindahan ng mga Abad at sa parehong oras ay natuto siya ng salitang Ingles kay Josephine.
Nagkaroon si Josephine at si Vicente ng anak na si Dolores at sinasabing ito ay ampon. Mayroon ding mga kontrobersiya na nagsasabing ito ay anak ni Rizal, pero lagi itong itinatanggi sa publiko.
Si Josephine ay bumalik ng Hongkong upang magpagamot ng tuberculosis. Ngunit kalaunan ay namatay din siya sa edad na 25.
Maraming mga spekulasyon ang bumabalot sa katauhan ni Josephine at sinasabi na madali itong nakaMOVE ON kay Rizal. Maaari kong sang-ayunan ang sinabi ni Ofilada na si “Rizal ay isang bahagi na lamang ng nakaraan ni Josephine Bracken”.
Makikita natin sa sa kabila ng samu’t saring mga isyu ukol sa pagkatao niya, siya ay naglingkod pa din sa Inang Bayan at maiituring nating isa sa mga bayaning hindi gaanong nabigyang pansin sa kasaysayan ng Piipinas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento